‘
PORK HOLIDAY, ITINUTULAK NG GRUPONG LABAN KONSYUMER
Nananawagan ng ‘PORK HOLIDAY’ ang grupong LABAN KONSYUMER sa gitna ng pagkaipit ng mga konsyumer sa nagsisihang grupo ng Department of Agriculture at mga traders at wholesalers sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin partikular ng baboy.
Gayundin sa isyu ng tila over-acting na importasyon ng mga baboy na tiyak na papatay sa pork Industry sa bansa.
Binigyang diin ng Laban Konsyumer Incorporated President Atty. Vic Dimagiba, kanya-kanyang kwento ang bawat-isa pero ang mga konsyumer ang naiipit at nasasakripisyo na biktima na nga ng pandemya, dagdag-pasanin pa ang napakamahal na presyo ng baboy.
Kaya para bilang pansamantalang solusyon, hinimok ni Dimagiba ang mga mamimili na magsagawa ng PORK HOLIDAY hanggang sa manumbalik sa akma o makatwirang presyo ang presyo ng karneng baboy.
Inihirit din ni Dimagiba na magkaroon ng 3rd party independent government agency na imbestigahan ang sinasabing sabwatan sa pagsipa ng presyo ng baboy kung mayroon man at panagutin at kasuhan ang mga may sala lalo na ang mga natutulog sa pansitan na mga opisyal na hindi
nireresolba ang isyu.
Iginigiit anya ng DA na traders ang nagmamanipula sa presyo ng mga baboy habang nananawagan naman ang mga hog raisers na magbitiw na si Agriculture Secretary William Dar sa pwesto sa kawalan ng kakayahan sa gitna ng matinding hamon ng problema sa isyu ng supply ng baboy.