Hindi napapakinabangan ng konsumer ang pagpataw ng suggested retail price (SRP) ng gobyerno sa manok, ayon sa grupo ng mga negosyante.
Bunsod umano ito ng pagtaas ng presyo ng manok sa mga palengke sa kabila ng mababang presyo sa mga manukan.
Ayon kay Bong Inciong, presidente ng grupong United Broilers Association, hindi nasusunod ang SRP para sa manok kahit pa man bumababa ang farmgate price nito.
Sa tala ng kanilang grupo, bumaba ang farm gate price ng manok sa P80 kada kilo mula P100 kada kilo simula Hulyo.
Ibig sabihin, dapat naglalaro sa P130 hanggang P140 kada kilo ang presyo sa mga pamilihan, base sa kanilang tantiya.
Pero ang presyo ng whole chicken sa Kamuning Market sa Quezon City at sa Trabajo Market sa Maynila ay mahigit-kumulang P160 hanggang P170 kada kilo.
“‘Pag panahon ng bagsak ang presyo ng farm gate, hindi nakikinabang ang konsumer. ‘Pag panahon na napakaraming supply, both local and imported, hindi rin nakikinabang ang konsumer,” ani Inciong.
Hindi rin aniya napapakinabangan ang mga inaangkat na manok dahil madalang lang daw ito umabot sa palengke.
Depensa naman ng ilang tindera, mataas ang farm gate price na sinisingil sa kanila kaya napipilitan silang magtaas-presyo.
Hinimok naman ni Victor Dimagiba ng grupong Laban Konsyumer na paigtingin ang pag-monitor ng presyo sa palengke.
Aminado ang Department of Trade and Industry (DTI) na nahihirapan sila at ang Department of Agriculture (DA) na ipatupad ang SRP dahil sa kakulangan ng tao.
“Retail price should always be only plus P50. That’s the most reasonable and fairest to both consumer and producer,” ani Trade Undersecretary Ruth Castelo.
“So difficult to control retail, though, especially when they know that it’s really DA’s mandate and not DTI’s. DA, while it has the power, has no enforcement arm, that’s why they cannot enforce,” dagdag niya.
— Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/news/07/31/19/srp-sa-manok-di-napapakinabangan-ng-konsumer-grupo