Categories
Posts Uncategorized

DTI nagbabala sa mga mananamantala sa water shortage

Nagbabala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga mananamantala na mag-overprice sa presyo ng tubig sa mga bottled water.

Kasalukuyang nakararanas ng kawalan o paghina ng tubig ang mga kostumer ng Manila Water sa ilang bahagi ng Metro Manila at Rizal province kasabay ng pagbagsak ng antas ng tubig sa La Mesa Dam, ang emergency source ng Manila Water.

“Mga old stock nila ito eh, mga nasa warehouse o supermarket kaya hindi pa talaga nila puwedeng igalaw kasi hindi pa siya affected ng kawalan ngayon,” sabi ni Castelo sa panayam ng raydo DZMM.

Ayon kay Castelo, kapag napatunayang nag-overprice o tinaasan nang labis ang benta, hanggang P2 milyon ang multa at puwede pang makulong ang nagtitinda.

Dahil hindi sakop ng DTI ang mga water container at refilling stations, nanawagan si Castelo sa mga lokal na pamahalaan na i-monitor ang overpricing ng mga drum at container sa kanilang lugar.

“Ang LGUs baka puwede pakiusapan mag-inspeksiyon,” ani Castelo.

Bunsod ng kakulangan sa suplay ng tubig, nagtaasan na ang presyo ng mga drum at water container sa mga pamilihan.

‘MANILA WATER, DI PUWEDENG PARUSAHAN’

Samantala, sa kabila ng abala na dulot ng malawakang water interruption, sinabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na hindi puwedeng parusahan ang Manila Water.

“Unfortunately wala pa tayong sagot diyan kasi sana naintindihan natin, wala po tayong authority, hindi natin sila puwedeng i-fine, hindi natin sila puwedeng i-penalize,” ani MWSS Chief Regulator Patrick Ty.

Ayon kay Ty, “lahat” ay may kasalanan sa nararanasang kakulangan sa suplay ng tubig.

“Tayong lahat ang may kasalanan dito dahil sa publiko, hindi tayo nagtitipid ng tubig,” ani Ty.

“Kasalanan din ito ng gobyerno na matagal na sinasabi ng mga experts na magkakaroon ng water shortage, hanggang ngayon hindi pa natin ma-deliver ang alternative water source,” ani Ty.

May kalasanan din daw ang Manila Water dahil sa pagkaantala sa Cardona treatment plant at pagkakamali sa forecasting.

Nauna nang sinabi ng Manila Water na maaaring maranasan ang mga service interruption hanggang sa susunod na 3 buwan o hanggang pumasok ang tag-ulan.

Daily water interruption for 6 to 20 hrs may persist in next 3 months: Manila Water

Ilan sa mga ibinibidang pansamantalang solusyon ay ang paggana ng Cardona treatment plant para magamit ang tubig sa Laguna Lake, pagbukas ng deep wells, at pagbigay ng Maynilad ng tubig sa Manila Water.

Nagbabala rin ang MWSS na posibleng maulit ang problema sa suplay ng tubig sa mga susunod na taon hangga’t walang mahanap at maitayong bagong water source ang Maynilad at Manila Water.

BAWIIN ANG DAGDAG-SINGIL

Ipinanukala naman ng Laban Konsyumer at Bayan ang pagbawi sa inaprubahang dagdag-singil sa tubig dahil palpak naman daw ang serbisyo ng Manila Water.

“Dahil may interruption at ang mga konsumer ay nahihirapan,” ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.

Pero ayon kay Ty, hindi puwedeng bawiin ang dagdag-singil sa tubig.

Tiniyak ng MWSS na hindi maipapasa sa konsumer ng Manila Water ang gastos sa pagbili ng tubig galing Maynilad kapag natuloy ang sharing ng suplay sa Abril.

— Ulat nina Ron Gagalac at Alvin Elchico, ABS-CBN News

https://news.abs-cbn.com/news/03/14/19/dti-nagbabala-sa-mga-mananamantala-sa-water-shortage