Categories
Posts Uncategorized

DOE desididong humingi ng breakdown ng presyuhan ng oil firms

Desidido ang Department of Energy (DOE) na ipahimay sa mga kompanya ng langis ang presyuhan ng kanilang mga produkto, sabi ng isang opisyal ng kagawaran.

Nakatakda umanong ilabas ng DOE ang utos ukol sa “unbundling” bago matapos ang Marso.

“We’re not giving up on it. Hindi rin tayo nagwe-waiver, hindi tayo nagdadalawang-isip dahil kailangan talaga siya,” ani Energy Undersecretary Felix William Fuentebella.

“We will treat the information that we will get responsibly,” dagdag ni Fuentebella.

Sa ilalim ng “unbundling,” ipahihimay ng DOE sa mga kompanya ang presyo ng diesel, gasolina, gaas, at liquefied petroleum gas (LPG) kabilang na ang import cost, palitan ng piso kontra dolyar, freight, insurance, at kita ng kada kompanya.

Inilutang ang ideya ng “unbundling” sa gitna ng patuloy na pagmahal ng presyo ng mga produktong petrolyo kamakailan.

Muling sumang-ayon ang grupong Laban Konsyumer sa balak na hakbang ng DOE dahil mahalaga raw na malaman ng mga konsumer ang breakdown.

“Importante ang paghimay ng presyo ng petroleum products nang sa ganoon, alam po natin ang detalye ng presyo at walang sikreto ang mga kompanya ng langis,” sabi ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.

Muli ring iginiit ng mga kompanya ng langis ang kanilang pagtutol sa “unbundling.”

Dahil magkakalaban, hindi raw puwedeng ibulgar ng mga kompanya ang magkakaibang diskarte sa pagpataw ng presyo.

Iba-iba rin daw ang presyo sa gasolinahan dahil sa tindi ng kompetisyon.

“Competition is very tight, very stiff in all these marketplaces, in the trading areas. So at the end of the day, it’s the pump price competition that dictates the price,” ani Philippine Institute of Petroleum Executive Director Teodoro Reyes.

Posible naman daw tumakbo sa korte ang grupo ng mga independent oil player para harangin ang unbundling.

“There are some things na mga trade secrets namin na we cannot divulge,” ani Bong Suntay, pangulo ng Independent Philippine Petroleum Companies Association.

“Kanya-kanyang style ng mga oil companies which you don’t want the others to know, pinaghirapan mo ‘yon eh,” dagdag ni Suntay.

https://news.abs-cbn.com/business/02/19/19/doe-desididong-humingi-ng-breakdown-ng-presyuhan-ng-oil-firms