Categories
Posts Uncategorized

Smart meters may kaakibat na taas-singil sa kuryente: ERC

Gusto munang pag-aralan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang panukala ng Manila Electric Company (Meralco) na palitan ng smart meters ang mga kasalukuyang metro na ginagamit ng mga kostumer ng electric power distribution company.

Mayroon daw kasing kaakibat na dagdag-singil sa kuryente ang pagpalit ng mga metro sa smart meters, ayon kay ERC Spokesperson Rexie Baldo-Digal.

“Ang kailangan namin mabuting busisiin ay iyong paano ang gagastusin dito ay makakaapekto sa taripa ng ating electricity consumers,” ani Baldo-Digal. 

Ayon sa ERC, P10 bilyon ang halaga ng proyekto ng smart meters na katumbas ng dagdag-singil na P0.23 kada kilowatt hour (kWh) kung ipapasa sa lahat ng kostumer ng Meralco.

Sakaling maaprubahan, maaari naman daw pahabain ang recovery period o haba ng singilan para mas lumiit ang dagdag sa bayarin ng mga konsumer, ayon sa ERC. 

Para sa Meralco, sulit ang magiging dagdag-singil kapalit ng paggamit ng smart meters, na marami raw benepisyo para sa mga kumokonsumo ng kuryente.

Inamin din ng Meralco na kahit kumbinsido sila sa kahalagahan ng proyekto, wala naman silang magagawa kung hindi ito aaprubahan ng ERC.

Bukod sa savings, ipinaliwanag ng Meralco na sa pamamagitan ng smart meters, puwede ring mabantayan at kontrolin ng kostumer ang gamit ng kuryente.

“Mas empowered sila dahil araw-araw nalalaman nila kung ano ang kanilang konsumo,” ani Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Hiniling naman ng grupong Laban Konsyumer na huwag munang ituloy ang proyekto maliban na lang kung hindi ipapasa sa mga konsumer ang gastos.

“Mali ang timing, tataas ang presyo ng kuryente sa Pebrero, dadating pa ang summer,” ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba. — Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

https://news.abs-cbn.com/business/02/12/19/smart-meters-may-kaakibat-na-taas-singil-sa-kuryente-erc