Nakaamba ang posibilidad ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo bunsod ng paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Mula Lunes hanggang Miyerkoles, P1.80 kada litro na ang iminahal ng imported na diesel, habang P1.20 naman ang iminahal ng imported na gasolina.
Tumaas din ng P1.50 ang kada litro ng kerosene sa pandaigdigang merkado.
Subalit maaari pang lumiit o lumobo ang price adjustment depende sa mga nalalabing araw ng trading.
Kasabay ng namumurong taas-presyo sa petrolyo ang pagpapatupad ng ilang gasolinahan ng price adjustment dahil sa mas mataas na buwis sa petrolyo.
Ibig sabihin, bukod sa dagdag-buwis na higit P2, ipapatong pa rito ang taas-presyong dulot naman ng presyo ng inangkat na petrolyo.
Kung, halimbawa, mapako sa P1.80 ang dagdag sa imported na gasolina at may ipapatong pang P2.24 excise tax, aabot sa P4.04 ang magiging dagdag-presyo sa kada litro ng gasolina.
Nasa 444 gas stations pa lang sa kabuuuang 6,800 stations sa buong bansa ang nagtaas ng presyo dahil sa mas mataas na buwis sa langis, base sa tala ng Department of Energy (DOE).
Nagpadala na ng show cause orders ang DOE sa mga gasolinahan upang pagpaliwanagin ang mga ito kung bakit maaagang nagtaas ng presyo dahil sa buwis.
Nauna nang sinabi ng DOE na sa kanilang tantiya, nasa 15 araw hanggang isang buwan pa ang itatagal ng lumang stock ng langis ng mga oil company at sa bagong stock lang dapat ipataw ang taas-presyo dahil sa buwis.
Ibig sabihin, dapat daw ay sa kalagitnaan hanggang katapusan pa ng Enero magkaroon ng taas-presyo dahil sa dagdag-buwis sa langis.
Maaaring ipasara at kasuhan ang mga gasolinahang magtataas ng presyo dahil sa buwis kahit lumang stock pa ang ikinakarga sa mga motorista, sabi noon ng DOE.
Hinikayat ng DOE ang publiko na i-report ang mga gasolinahang nagtaas dahil sa buwis sa langis.
Nanawagan naman ang grupong Laban Konsyumer sa DOE na kasuhan ang mga gasolinahang nagpataw ng taas-presyo dahil sa buwis kahit hindi pa dapat.
“Sa mga nagtaas ng excise taxes na tingin ng DOE ay hindi pa dapat, kasuhan nila,” ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.
–Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/business/01/10/19/taas-presyo-sa-petrolyo-nagbabadya