Categories
Posts Uncategorized

Maliliit na botika, di alam na wala nang VAT ang ilang gamot’

Hinimok ng isang consumer group ang gobyerno na tiyaking naipatutupad ng mga botika ang hindi pagpataw ng value-added tax (VAT) sa ilang maintenance na gamot.

Simula noong Martes, Enero 1, mas mura nang mabibili ang mga maintenance na gamot laban sa diyabetes, mataas na cholesterol, at hypertension dahil sa VAT exemption na alinsunod sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

Pero base sa pagbabantay ng grupong Laban Konsyumer, karamihan sa mga maliliit na botika ay hindi alam na kailangan nang ibaba ang presyo ng mga nasabing gamot.

Manual naman daw ang pagpapatupad ng mga malalaking botika sa VAT exemption.

“Monitoring and strict enforcement, importante po iyon. At i-publish nila sa diyaryo ‘yong listahan ng mga gamot,” ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.

Iginiit din ni Trade Secretary Ramon Lopez na mahalaga ang pagpapakalat ng impormasyon ukol sa pag-alis ng VAT sa mga nabanggit na gamot para matiyak na naipatutupad nang maayos ang bagong patakaran. 

“Information campaign, very important na magawa iyan. Department of Health and FDA (Food and Drug Administration), as they monitor the drug stores, should ensure na ma-implement ‘yan,” ani Lopez.

Nagpaalala naman ang Bureau of Internal Revenue na puwedeng i-report sa kanila ang mga botikang hindi sumusunod sa VAT exemption.

Higit 600 klase ng gamot na pang-maintenance ang may VAT exmption sa ilalim ng TRAIN law. Makikita ang listahan nito sa website ng Department of Health.

–Ulat ni Bruce Rodriguez

https://news.abs-cbn.com/news/01/02/19/maliliit-na-botika-di-alam-na-wala-nang-vat-ang-ilang-gamot