Nagsimula nang magsagawa ng paperless billing — o sistema ng paniningil na walang papel na nagsasaad kung magkano ang bayarin — ang ilang kompanya.
Kabilang dito ang ilang utility companies tulad ng Manila Electric Company (Meralco), na naglabas ng cellphone app at website kung saan maaaring makita ng mga kostumer ang singil sa kanila.
Gamit ang Meralco app, maaaring bayaran ng mga kostumer ang kanilang electric bill sa pamamagitan ng virtual wallet o credit card.
Ayon kay Meralco Business Center Head Maita David, maaari namang bumalik ang kostumer sa dating sistema ng billing kung hindi magustuhan ang bagong sistema.
Aniya, makakatulong pa ito sa kalikasan.
“‘Pag may papel na bill kasi may posibilidad na mawala o gawing scratch paper, eto mas accessible and you help save the environment,” aniya.
Nasa 5,000 customer ang aplikante ng Meralco sa naturang sistema, na bukas na sa buong franchise area ng Meralco.
Ito rin ang plano ilang credit card companies.
Ayon kay Credit Card Association of the Philippines Executive Director Alex Ilagan, mas mabilis umanong makukuha ng mga customer ang billing statement sa ilalim ng “paperless billing,” kung ikukumpara umano sa de-papel na pagbibigay nito.
“Usually in 3 to 4 days from the statement cut-off nandiyan na sa [email] inbox mo yan. Unlike paper [na] sometimes especially during the holidays, it can take you more than sometimes up to 2 to 3 weeks,” aniya.
Dagdag niya, may opsiyon pa rin daw ang mga credit card customer na humingi ng papel na billing, pero may ilang naniningil ng P30 hanggang P50 pang karagdagang singil.
Dating sinabi ng grupong Laban Konsyumer na dapat walang bayad ang patuloy na pagtangkilik ng mga kostumer sa nakagawian nang paper billing.
— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/business/12/26/18/ilang-kompanya-naka-paperless-billing-na