Ipahihimay ng Department of Energy (DOE) sa mga kompanya ng langis ang presyo ng ibinebenta nilang produktong petrolyo, sabi ng isang opisyal ng kagawaran.
Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, sangkaterbang impormasyon ang hihingin ng DOE sa oil companies para matiyak na tama ang presyo sa gasolinahan.
“Product cost, freight cost, o ‘yong cost ng pag-transport, may insurance, may foreign exchange, may buwis, may bio-fuels cost,” ani Fuentebella.
Pero hindi pa raw napipirmahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ang department order.
Natuwa naman sa balak na hakbang ang grupong Laban Konsyumer, na matagal nang isinusulong ang “unbundling” o paghihimay sa presyo.
“Pagbibigay po ito ng gabay na ang presyo ng petroleum product, kahit po pababa ay reasonable at makatuwiran,” sabi ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.
Pero kung pabor ang consumer group, tinutulan naman ito ng mga kompanya ng langis.
Iginiit ng Philippine Institute of Petroleum na labag sa batas ang unbundling at saliwa rin ito sa prinsipyo ng kompetisyon o paglalaban sa negosyo.
Para naman kay Fer Martinez ng Eastern Petroleum, hindi na kailangan ng unbundling dahil masigla naman ang kompetisyon at iba-iba ang presyo depende sa gasolinahan.
Ayon pa sa mga independent oil player, puwede nilang ibigay ang ibang impormasyon pero hindi lahat dahil may kanya-kanyang diskarte ang mga kompanya sa negosyo.
“‘Pag tinotal niya… ‘di lalabas kung ano ‘yong selling price because there are other factors which are not fixed,” ani Independent Philippine Petroleum Companies Association President Bong Suntay.
Samantala, namumuro na namang magkaroon ng bawas-presyo sa petrolyo sa susunod na linggo.
Mula Lunes hanggang Miyerkoles, P0.70 na ang iminura ng imported diesel at P0.61 naman sa gasolina.
Subalit puwede pa raw itong magbago depende sa resulta ng pangangalakal sa pandaigdigang merkado hanggang Biyernes.
–Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News