Categories
Posts Uncategorized

TV Patrol ‘Taas-singil ng tubig sa Enero, di kailangan ng konsultasyon’

Iginiit ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office na hindi kailangan ng pagdinig o konsultasyon sa pag-apruba sa taas-singil sa tubig ng mga water concessionaire na ipatutupad sa Enero. 

“Inflation kasi ‘yan eh kaya hindi siya puwedeng pag-usapan. ‘Pag gusto mong kuwestiyunin ‘yong inflation rate, you go to the BSP (Bangko Sentral ng Pilipinas)… and question the computation,” ani MWSS Chief Regulator Patrick Ty.

“But kami, kung ano’ng dineclare nila, ‘yon lang ang i-implement namin. Ministerial na on our part,” dagdag ni Ty.

Ayon naman kay Jeric Sevilla, tagapagsalita ng Manila Water, ang idinadaan lamang sa mga pagdinig ay iyong dagdag sa basic charge.

“Ang hini-hearing lang natin ‘yong adjustment in the basic charge,” aniya.

Ito ay matapos kuwestiyunin ng isang consumer group kung bakit hindi dumaan sa pagdinig o konsultasyon ang pag-apruba sa taas-singil sa tubig.

Ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, dapat nagkaroon man lang ng kahit isang hearing sa rate adjustment para mahimay o mabusisi ng mga konsumer ang taas-singil.

Sumulat na umano ang Laban Konsyumer sa MWSS para mabago ang proseso.

“Lahat ito sana mausisa kung nagkaroon ng consultation at hearing,” ani Dimagiba.

Inaprubahan kamakailan ng MWSS ang adjustment o pagbabago sa singil sa tubig bunsod ng inflation rate o iyong bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo sa bansa, at foreign currency differential adjustment (FCDA) o iyong pagbabago sa bayad dahil sa mga gastos na dala ng palitan ng piso.

Nailathala na ng Maynilad at Manila Water ang mga bagong rate kaya tuloy ang pagpapatupad sa taas-singil sa Enero 1.

Para sa mga kabahayan o residential customer ng Maynilad na kumokonsumo ng 30 cubic meters, P41.02 ang dagdag. 

Nasa P14.99 naman ang dagdag kapag 30 cubic meters ang konsumo ng mga residential customer ng Manila Water.

Sa mga kostumer ng Maynilad na may maliliit na negosyo, gaya ng karinderya, P50.31 ang dagdag-singil sa 30 cubic meters na konsumo. 

Nasa P18.48 naman ang dagdag kapag 30 cubic meters ang konsumo ng mga negosyanteng kostumer ng Manila Water.

Para sa commercial at industrial customers, P41.11 hanggang P447.34 ang dagdag-singil sa Maynilad habang P151.90 hanggang P1,045.90 naman sa Manila Water. –Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

https://news.abs-cbn.com/business/12/18/18/taas-singil-ng-tubig-sa-enero-di-kailangan-ng-konsultasyon