Categories
Posts Uncategorized

Singil sa tubig, tataas pagpasok ng 2019

Magkakaroon ng taas-singil sa tubig sa Enero 2019 matapos aprubahan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang adjustment sa presyo dahil sa inflation.

Ayon sa MWSS, naglalaro sa P1 hanggang P1.50 kada cubic meter ang magiging dagdag-singil ng Maynilad at Manila Water.

Ang naturang adjustment sa singil sa tubig ay bunga ng inflation rate o iyong bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.

Ibinase umano ng MWSS ang pag-apruba sa dagdag-singil ang 5.7 porsiyentong inflation rate na naitala noong Hulyo.

“Inflation adjustment is based on the inflation as of July which is 5.7 percent. Because of that, there is an upward adjustment,” ani MWSS Chief Regulator Patrick Ty.

Kasabay nito, inaprubahan din ang foreign currency differential adjustment (FCDA) para sa unang tatlong buwan ng 2019. Ito ang pagbabago sa bayad dahil sa mga gastos na dala ng pagbabago sa palitan ng piso.

Nasa P0.90 bawas kada cubic meter ang aprubadong FCDA ng Maynilad habang P0.47 bawas kada cubic meter naman sa Manila Water.

Pero kahit pababa ang FCDA, naging pataas ang singil sa tubig dahil sa adjustment sa inflation.

Ilalathala sa weekend ang pagbabago sa bayarin sa tubig ng mga kostumer ng Maynilad at Manila Water.

Makalipas ang 15 araw o pagsapit ng Enero 1, papatak na ang dagdag-singil sa mga water bill.

–Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
https://news.abs-cbn.com/business/12/13/18/singil-sa-tubig-tataas-pagpasok-ng-2019