Ilalabas na ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Huwebes ang listahan ng bagong suggested retail price (SRP) ng ilang pangunahing bilihin na sasalamin sa taas-presyo ng mga de-latang sardinas.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, hindi na nila napigilan ang taas-presyo sa ilang brand ng sardinas dahil nabigyang katuwiran naman daw ito ng Canned Sardines Association of the Philippines.
Naglalaro sa P0.40 hanggang P0.85 ang dagdag sa presyo ng kada lata ng sardinas.
Kabilang sa mga salik sa pag-apruba sa taas-presyo sa sardinas ang pagmahal ng isdang tamban na ginagawang de-latang sardinas.
Kinumpirma noong nakaraang buwan ni National Sardines Foundation of the Philippines President Edgar Lim na matumal na ang huli sa tamban.
Kung mayroong taas-presyo sa sardinas, magkakaroon naman ng bawas sa presyo ng loaf bread matapos mapapayag ng DTI ang mga bread manufacter na Gardenia at Marby.
Nasa P1 ang ibinaba ng Gardenia sa kada 400 gramo ng load bread habang P2 naman sa 600 gramo. Nasa P5.50 naman ang ibinaba ng Marby sa presyo ng kanilang loaf bread.
Pag-aaralan naman daw ng ilang brand ng gatas, kape at chocolate drink ang pagbaba ng presyo ng kanilang mga produkto.
Ayon pa kay Castelo, sa unang tatlong buwan pa ng 2019 magkakaroon ng epekto sa presyo ng manufactured goods ang pagmura ng petrolyo nitong mga nagdaang linggo.
“Noong kataasan ng presyo ng krudo at saka ng dollar at ibang raw materials, noon na-produce itong goods na ‘to na binebenta ngayon,” ani Castelo.
“So if ever magbaba tayo ng presyo, siguro sa February [o] March,” dagdag ni Castelo.
Hindi naman kuntento ang grupong Laban Konsyumer sa pagbaba ng mga presyo ng ilang bilihin.
“Dapat bumaba pa nang husto ang national inflation nang ganoon masabi nating nararamdaman o maramdaman ng konsumer,” ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.
Naitala ang 6 porsiyentong inflation o iyong bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo noong Nobyembre. Ito ay pagbagal mula sa 6.7 porsiyentong inflation na naitala noong Setyembre at Oktubre.
https://news.abs-cbn.com/news/12/05/18/presyo-ng-sardinas-tataas-loaf-bread-may-bawas-presyo