Nanawagan sa gobyerno ang isang grupo ng mga konsumer at isang opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na imbestigahan ang mataas na presyo ng asukal at magtakda na ng suggested retail price (SRP) nito.
Ayon kay SRA board member Emiliano Yulo, bumaba na ang farmgate price ng asukal, na ngayon ay nasa P1,450 kada sako.
Sa pagtaya niya, dapat P50 kada kilo na lamang ang presyo nito sa pamilihan.
Pero taliwas ito sa P54 hanggang P62 na presyo ng kada kilo ng asukal sa ilang pamilihan sa Kamaynilaan, gaya ng Kamuning Market sa Quezon City.
Kaya dapat daw aniyang imbestigahan ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) kung bakit mahal ang asukal, at patawan na rin ito ng SRP.
“Maybe we should have a stakeholders’ meeting particular to that so we can come up with a consensus on what is the ideal suggested retail price,” ani Yulo.
Imbestigasyon at SRP din ang hiling ng grupong Laban Konsyumer.
“Matagal na ‘yang pinag-uusapan eh, ibalik ‘yong SRP ng sugar,” ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.
Ayon pa kay Dimagiba, kailangan umano ng SRP lalo at holiday season na at madaming paggagamitan ng asukal.
Ayon pa sa Laban Konsyumer, posibleng pumalo sa P65 kada kilo ang presyo ng puting asukal matapos bawiin ng mga economic manager ang kanilang naunang rekomendasyong suspendihin ang dagdag-buwis sa langis, na nakatakda sa Enero sa susunod na taon.
“‘Yong gasolina at saka kuryente niya, ipa-pass on niya sa cost of goods sold. Kaya pagdating sa atin, ayon, doble,” ani Dimagiba.
Iminungkahi naman ni Philippine Food Processors and Exporters Organization, Inc. President Roberto Amores ang pag-angkat ng asukal na para lang sa food manufacturers.
Ito ay para hindi raw magmahal ang mga produktong ginagamitan ng mga asukal gaya ng mga tsokolate at three-in-one na kape.
Sumang-ayon naman sina Agriculture Secretary Emmanuel Piñol at Trade Undersecretary Ruth Castelo sa pagpapataw ng SRP sa asukal.
https://news.abs-cbn.com/business/12/03/18/suggested-retail-price-sa-asukal-inihirit
–Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News